[go: up one dir, main page]

Pumunta sa nilalaman

Bulebar Quezon

Mga koordinado: 14°36′11″N 120°59′5″E / 14.60306°N 120.98472°E / 14.60306; 120.98472
Mula sa Wikipedia, ang malayang ensiklopedya
(Idinirekta mula sa Quezon Boulevard)

Pambansang Ruta Blg. 170 shield}}

Bulebar Quezon
Quezon Boulevard
Bulebar Quezon pahilaga sa tabi ng Pamantasan ng Dulong Silangan.
Impormasyon sa ruta
Haba1.1 km (0.7 mi)
Bahagi ng
Pangunahing daanan
Dulo sa hilaga N170 (Kalye Lerma) sa Sampaloc
 
Dulo sa timogTulay ng Quezon at Kalye Palanca sa Quiapo
Sistema ng mga daan
Mga daanan sa Pilipinas

Ang Bulebar Quezon (Ingles: Quezon Boulevard) ay isang maikling kahabaan ng lansangan sa Maynila, kabisera ng Pilipinas, na dumadaan mula hilaga-patimog sa distrito ng Quiapo. Isa itong bulebar na may anim hanggang sampung linya, may haba na 1.1 kilometro (0.68 milya), at pinaghahatian ng pangitnang harangan sa gitna, na nag-uugnay ng pusod ng Maynila sa North Luzon Expressway sa hilagang Kamaynilaan. Nagbibigay rin nito daan papuntang Quezon Memorial Circle at hugnayan ng Batasang Pambansa sa Lungsod Quezon mula sa lumang kabayanan ng Maynila, sa pamamagitan ng isang tunel patungong Bulebar Espanya. Isa rin itong pangunahing daan papuntang Simbahan ng Quiapo at isa rin ito sa pangunahing mga lansangan ng paligid ng University Belt.

Itinakda itong bahagi ng Pambansang Ruta Blg. 170 (N170) ng sistema ng lansangang bayan sa Pilipinas at ng Daang Radyal Blg. 8 (R-8) ng sistema ng daang arteryal sa Kalakhang Maynila.

Sinimulan ang Bulebar Quezon bilang bahagi ng isang pambansang panukalang pandaan upang maiugnay ang pusod ng pamahalaan ng Maynila sa Liwasang Rizal sa ipinapanukalang bagong kabisera sa Diliman estate. Itinayo ito noong 1939 sa ibabaw ng dating Calle Regidor na pinalawak sa pamamagitan ng pag-giba ng mga gusali at kabahayan sa silangang gilid nito at di-kalauna'y isinama sa dating Calle Martin Ocampo.[1] Sa taong 1939 din pinalitan ng makabagong bakal na tulay-arko na Tulay ng Quezon ang dating Puente Colgante (na nagugnay noon ng daan sa Abenida Padre Burgos sa timog ng Ilog Pasig).

Noong panahon ng mga Kastila, kilala ang Calle Regidor bilang Calle Santa Rosa, at Calle Martin Ocampo bilang Calle Concepcion. Pinalitan ang mga pangalang ito noong unang bahagi ng dekada-1900s, mula kay Antonio Maria Regidor, manunulat sa La Solidaridad, at Martin Ocampo, patnugot ng El Renacimiento at La Vanguardia. Ang bagong bulebar na pumalit sa mga ito ay ipinangalan mula kay Manuel Luis Quezon, pangulo ng Pilipinas noong panahon ng Komonwelt.

Paglalarawan ng ruta

[baguhin | baguhin ang wikitext]
Patimog na Bulebar Quezon malapit sa Simbahan ng Quiapo

Nagsisimula ito sa Tulay ng Quezon sa tabi ng Pamilihan ng Quinta sa Kalye Carlos Palanca (dating Calle Echagüe) bilang tagapagpatuloy ng Abenida Padre Burgos na galing sa Intramuros sa timog ng Ilog Pasig. Tutumbukin naman nito ang mga sumusunod na daan: Kalye Arlegui (papuntang distrito ng San Miguel at Palasyo ng Malacañang), Kalye Hidalgo (dating Calle San Sebastián, papuntang Simbahan ng San Sebastian), at Kalye Gonzalo Puyat (dating Calle Raón, papuntang Simbahan ng Santa Cruz) sa distrito ng Santa Cruz, bago nito tumbukin ang Abenida Recto. Dadaan ito sa Plaza Miranda at Simbahan ng Quiapo sa pagitan ng Kalye Hidalgo at Kalye Gonzalo Puyat. Papasok ito sa distrito ng Sampaloc paglampas ng Abenida Recto, kung saan tatapos ito sa sangandaan nito sa Kalye Lerma. Paglampas, tutuloy ito bilang Kalye Alfonso Mendoza (dating Calle Andalucía) patungo sa San Lazaro Tourism and Business Park.

Mga sanggunian

[baguhin | baguhin ang wikitext]
  1. "Manila Extramuros" (PDF). Philippine Institute for Development Studies. Nakuha noong 11 Hulyo 2015.{{cite web}}: CS1 maint: date auto-translated (link)[patay na link]

14°36′11″N 120°59′5″E / 14.60306°N 120.98472°E / 14.60306; 120.98472