[go: up one dir, main page]

Pumunta sa nilalaman

Wika

Mula sa Wikipedia, ang malayang ensiklopedya
Mga estudyanteng nakikipagtalasan sa pamamagitan ng paghaharap at paguusapan.
Isang lalaki at babaeng nakikipagugnayan sa pamamagitan ng mga senyas ng kamay.
Ang cuneiform ang isa sa mga nalalamang sinaunang anyo ng wikang pasulat.

Ang wika ay isang nakabalangkas na sistema ng komunikasyon na binubuo ng balarila at talasalitaan. Ito ay sistema ng kumbensiyonal na sinasalita, pakumpas, o nakasulat na mga simbolo kung saan ang mga tao, bilang mga miyembro ng isang panlipunang grupo at mga kalahok sa kultura nito, ay nagpapahayag ng kanilang sarili. Ang wika ng tao ay nailalarawan sa pamamagitan ng pagkakaiba-iba ng kultura at kasaysayan nito, na may mga makabuluhang pagkakaiba-iba na naobserbahan sa pagitan ng mga kultura at sa buong panahon.[1]

Tinatayang nasa pagitan ng 6,000 hanggang 7,000 ang mga sinasalitang wika sa daigdig, depende sa kung gaano katiyak ang pangahulugan sa "wika", o kung paano ipinag-iiba ang mga wika at mga diyalekto. Ang siyentipikong pag-aaral ng wika ay tinatawag na lingguwistika. Nag-ugat ang salitang wika mula sa wikang Malay. Samantalang nagmula naman sa Kastila ang isa pang katawagan sa wika: ang salitang lengguwahe. Tinatawag ding salita ang wika. Katulad ng language - tawag sa wika sa Ingles - nagmula ang salitang lengguwahe sa salitang lingua ng Latin, na nangangahulugang "dila", sapagkat nagagamit ang dila sa paglikha ng maraming kombinasyon ng mga tunog, samakatuwid ang "wika" - sa malawak nitong kahulugan - ay anumang anyo ng pagpaparating ng damdamin o ekspresyon, may tunog man o wala, ngunit mas kadalasang mayroon.

Mga anyo ng wika

Pinakapayak sa mga anyo ng wika ang paggamit ng mga salita o pagsasalita. (Tingnan ang mga sining na pangwika). Subalit kabilang din rito ang pagsusulat, mga wikang pasenyas, larangan ng musika, sining ng pagpipinta, pagsasayaw, at maging ang matematika. "Wika" ang lahat ng mga ito kung gagamitin ang malawakan na kahulugan ng wika. Sa ilang pagkakataon, tinatawag ding dila (piguratibo), salita, diyalekto, o lingo (sariling-wika ng isang grupo, [bigkas: ling-gow, mula sa Ingles]) ang wika.[2]

Mga antas

Kabilang ang mga sumusunod sa mga kaantasan ng wika:

  • Kolokyal/pambansa - ordinaryong wika na ginagamit ng mga kabataan sa kanilang pang-araw-araw na pakikipag-usap na kadalasang malayang pinagsasama ang mga wikang Ingles at Filipino
  • Kolokyalismong karaniwan - ginagamit na salitang may "Taglish"
  • Kolokyalismong may talino - ginagamit sa loob ng silid-aralan o paaralan
  • Lalawiganin/Panlalawigan - wikang ginagamit ng isang partikular na lugar o pook.
  • Pabalbal/balbal (salitang kalye) - pinakamababang uri ng wikang ginagamit ng tao, na nabuo sa kagustuhan ng isang partikular na grupo na nagkakaroon ng sariling pagkakakilanlan. Ito rin ay maaring nabuo sa pag-baliktad ng mga salitang Kolokyal/pambansa.
  • Pampanitikan/panitikan - wikang sumusunod sa batas ng balarila at retorika.

Mga Kagamitan

Ito ang pitong kagamitan ng wika:

  • Isang proseso ng pagpapalitan ng impormasyon na kadalasan na ginagawa sa pamamagitan ng karaniwang sistema ng mga simbolo ang komunikasyon. Ang araling pangkomunikasyon ang disiplinang pang-akademya kung saan pinag-aaralan ang pakikipagtalastasan.
  • Ginagamit ang wika sa pagpapahayag ng pangungusap. Madaling maunawaan ang pangungusap kahit gaano pa kahaba o ano man ang anyo nito. Malinaw ito kaya madaling naiintindihan ng bumabasa o nakikinig ang kahulugan nito.
  • Pagpapaliwanag o pagpapaunawa ang tawag sa gawaing pangkaisipan upang matugunan ang pakikipagugnayang ginagamitan ng mga pananalita o mga hudyat o senyas ng kamay, maaaring kasabayan ng taong nakikipagugnanayan, o matapos ang bawat bahagi ng paglalahad ng taong nakikipagugnayan. Nagaganap ang pagpapaunawa sa pagitan ng dalawa, tatlo, o higit pang bilang ng mga tagapagsalita o tagapaglahad na hindi nakapagsasalita o nakasesenyas mula sa pinagmumulang wika.

Kategorya ng paggamit ng wika

Ang dalawang kategorya ng paggamit ng wika ay pormal at impormal o di-pormal.

Pormal

Ang pormal ay ang mga salitang istandard, karaniwan, o pamantayan dahil kinikilala, tinatanggap at ginagamit ng higit na nakararami lalo na mga nakapag-aral ng wika. Ginagamit ito sa mga usapang pormal. Narito ang mga uri nito:

  1. Pambansa o karaniwan - mga karaniwang salitang ginagamit sa mga aklat pangwika o pambalarila sa mga paaralan, gayundin sa pamahalaan.
  2. Pampanitikan o panretorika - mga salitang ginagamit sa mga akdang pampanitikan, karaniwang matatayog, malalalim, makulay, at masining.

Impormal o di-pormal

Ang impormal o di-pormal ay mga salitang karaniwang palasak at madalas gamitin sa pang-araw-araw na pakikipagusap. Ginagamit ito sa mga hindi pormal na usapan. Narito ang mga uri nito:

  1. Lalawiganin - mga bokabularyong diyalektal. Gamitin ito sa mga partikular na pook o lalawigan lamang.
  2. Balbal - mga salitang nahango lamang sa pagbabago o pag-usod ng panahon, mga salitang nabuklat sa lansangan.
  3. Kolokyal - mga salitang ginagamit sa mga pagkakataong inpormal. Ang pagpapaikli ng isa, dalawa, o higit pang salita ay mauuri rin sa antas na ito.

Halimbawa:

  • mayroon=meron
  • ayaw ko= ayoko
  • nasaan=nasa'n

Mga sanggunian

  1. Maling banggit (Hindi tamang <ref> tag; walang binigay na teksto para sa refs na may pangalang Evans); $2
  2. English, Leo James (1977). "Wika, salita, diyalekto, lingo [Ingles]". Tagalog-English Dictionary (sa wikang Ingles). Congregation of the Most Holy Redeemer. ISBN 9710810731.{{cite ensiklopedya}}: CS1 maint: date auto-translated (link)