[go: up one dir, main page]

Pumunta sa nilalaman

Moralidad

Mula sa Wikipedia, ang malayang ensiklopedya
Inukit na mga anyo ng tatlong marurunong na mga unggoy, na bawat isa ay sumesenyas ng aral hinggil sa moralidad. Mula sa kanan: Huwag makinig ng masama (nagtatakip ng mga tainga), huwag magsalita ng masama (nagtatakip ng bibig), at huwag tumingin sa masama (nagtatakip ng mga mata). Batay ito sa pilosopiya at kuwentong-bayang Hapones.

Ang moralidad, kalinisan ng ugali, kalinisang-asal, o kasanlingan ay ang pagkakakilala ng tao sa kung alin ang tama at mali. Ito ang pamantayan ng pag-uugali at magandang asal, lalo na kapag inuugnay sa delikadesa at tamang pag-iisip hinggil sa pagtatalik. Bilang aral, ito ang leksiyon o turo sa tama, wasto, o angkop na kaasalan o pag-uugali, o nauukol sa mabuti at matuwid na kaugalian o asal,[1][2] katulad ng nilalaman ng sa isang kuwentong may aral.[3] Kinasasangkutan ito ng mga prinsipyo ng akma o nararapat na kilos o pakikitungo sa kapwa tao ang dapat tingnan.[3] Kabaligtaran nito ang imoralidad.[2]

Sa Pilosopiya

[baguhin | baguhin ang wikitext]

Moralidad at etika

[baguhin | baguhin ang wikitext]

Ang etika (na kilala rin bilang moral na pilosopiya) ang sangay ng pilosopiya na sumasagot sa mga katanungan tungkol sa moralidad. Ang salitang etika ay karaniwang salitang ginagamit kapalit ng salitang moralidad upang ipakahulugan ang paksang bagay ng pag-aaral na ito at minsan ay ginagamit sa makitid na kahulugan upang pakahulugan ang mga prinsipyong moral ng isang partikular na tradisyon, pangkat o mga indibidwal. Gayundin, ang ilang mga uri ng teoriyang etikal lalo na ang etikang deontolohikal ay minsan kumikilala sa pagkakaiba ng etika at mga moral: Bagaman ang moralidad ng mga tao at ang mga etika nito ay katumbas ng parehong bagay, may paggamit na mahigpit na nagtatakda ng moralidad sa mga sistema gaya ng kay Immanuel Kant batay sa nosyon ng tungkulin, obligasyon at mga prinsipyo ng pag-aasal samantalang inilalalaan ang etika para sa paraang Aristotelyan ng praktikal na pangangatwiran batay sa nosyon ng birtud at sa kalahatan ay umiiwas sa separasyon ng mga konsiderasyon moral mula sa ibang mga praktikal na konsiderasyon.

Deskriptibo at normatibo

[baguhin | baguhin ang wikitext]
  • Sa deskriptibong kahulugan, ang moralidad ay tumutukoy sa mga halaga o pag-aasal na itinuturing na pansarili o kultural ng tao. Hindi ito naglalarawan ng obhektibong tama o mali ngunit sa mga itinuturing lamang na tama o mali. Ang deskriptibong etika ang sangay na nag-aaral ng moralidad na ito.
  • Sa normatibong kahulugan, ang moralidad ay tumutukoy sa kung ano man ang aktuwal na tama o mali at hindi ito nakasalalay sa mga halaga na pinaniniwalaan ng isang tao o mga kultura. Ang normatibong etika ang sangay na nag-aaral ng moralidad na ito.

Realismo at antirealismo

[baguhin | baguhin ang wikitext]

Ang mga teoriyang pilosopikal sa kalikasan at pinagmulan ng moralidad (teorya ng ng meta-etika) ay nahahati sa dalawang klase:

  • Ang moral na realismo ang klase ng mga teoriyang nagsasaad na mayroong totoo mga pangungusap na moral na nag-uulat ng obhektibong katotohanang moral. Halimbawa, bagaman tinatanggap ng mga tagataguyod ng pananaw na ito na ang mga pwersa ng pag-ayong panlipunan ay malaki ang naiaambag sa paghubog ng mga pagpapasyang moral ng mga indibidwal, kanilang itinatanggi na ang mga pamantayang kultural at kagawian ang naglalarawan ng tama at moral na pag-aasal. Ito ang pananaw na pilosopikal na iminungkahi ng mga etikal na naturalista ngunit hindi lahat ng mga moral na realista ay tumantanggap sa posisyong ito gaya ng mga etikal na hindi-naturalista.
  • Ang moral na anti-realismo ay nagsasaad na ang mga pangungusap na moral ay nabibigo o hindi nagtatangkang mag-ulat ng mga obhektibong moral na katotohanan. Ayon sa mga tagataguyod nito, ang mga pag-aangking moral ay hinahango mula sa hindi masusuportahang paniniwala na may mga obhektibong moral na katotohanan (teoriya ng kamalian na isang anyo ng moral na nihilismo), mula sa mga sentimento ng nagsasalita (emotibismo na isang anyo ng moral na relatibismo) o sa anumang mga pamantayang nananaig sa isang lipunan (etikal na subhektibismo na isa pang anyo ng moral na relatibismo).

Ang mga teoriyang nag-aangking ang moralidad ay hinango mula sa pangangatwirang tungkol sa pinahihiwatig na mga imperatibo (unibersal na prescriptibismo), mula sa mga kautusan ng diyos o mula sa mga hipotetikal na kautusan ng isang perpektong rasyonal na entidad (teoriyang ideyal na nagmamasid) ay itinuturing na mga anti-realista sa mayamang kahulugang ginagamit dito ngunit itinuturing na realista sa kahulugang katumbas ng moral na unibersalismo.

Antropolohiya

[baguhin | baguhin ang wikitext]

Pang-tribo at pang-teritoryal

[baguhin | baguhin ang wikitext]

Ayon kay Celia Green, may pagkakaiba sa pagitan ng moralidad na pang-tribo at pang-teritoryal. Kanyang inilarawan ang moralidad na pang-teritoryal bilang nananaig na negatibo at proskriptibo (nagbabawal). Ito ay naglalarawan ng teritoryo ng isang tao kabilang ang mga pag-aari nito at mga nasasakupan na hindi dapat pinsalain o pakialaman. Bukod sa mga pagbabawal, ang moralidad na pang-teritoryal ay nagbibigay rin ng permisyon na pumapayag sa indibidwal ng kahit anong pag-aasal na hindi nanghihimasok sa teritoryo ng iba. Sa kabaligtaran, ang moralidad na pang-tribo ay preskriptibo (ayon sa batas) at nagtatakda ng mga pamantayan ng pangkalahatan (buong tribo) sa isang indibidwal. Ang mga pamantayang ito ay batay sa pagpapasya at nakabatay sa kultura at mababago samantalang ang moralidad pang-teritoryal ay unibersal at absoluto gaya ng kategorikal na imperatibo ni Kant at may gradong absolutismo ni Green. Iniugnay ni Green ang pagbuo ng moralidad pang-teritoryal sa paglago ng konsepto ng pribadong pag-aari at ang pagtaas ng kontrata kesa sa katayuan.

Sa loob ng pangkat at labas ng pangkat

[baguhin | baguhin ang wikitext]

Ayon sa ilang tagamasid, ang mga indibidwal ay naglalapat ng makikilalang mga hanay ng patakarang moral sa mga tao batay sa pagiging bahagi ng isang "loob ng pangkat" (na indibiwal at sa mga pinaniniwalaang nagmula sa parehong kultura o lahi) o sa "labas ng pangkat" (mga taong hindi nararapat itrato ayon sa parehong mga alituntunin). Ang ilang mga biologo, antropolohista, at ebolusyonaryong sikolohista ay naniniwalang ang diskriminasyong loob ng pangkat/labas ng pangkat ay nabuo (evolved) dahil pinapaigi nito ang pagpatuloy (survival) ng pangkat. Sina Gary R. Johnson at V.S. Falger ay nangatwirang ang nasyonalismo at patriotismo ang mga anyo ng hangganan ng loob-ng-pangkat/labas-ng-pangkat. Ayon sa eksperimental na obserbasyon ni Jonathan Haidt, ipinapakitang ang kriteriyang loob-ng-pangkat ay nagbibigay ng saligang moralidad na labis na ginagamit ng mga konserbatibo ngunit hindi ginagamit ng mga liberal.

Paghahambing ng mga kultura

[baguhin | baguhin ang wikitext]

Ang paraang ginamit nina Peterson at Seligman sa pananaw antropolohikal ay sa pamamagitan ng pagtingin sa lahat ng mga kultura, geo-kultural na mga sakop at sa buong libong mga taon. Ang kanilang konklusyon ay nagsasaad na ang ilang mga birtud ay nanaig sa lahat ng mga kulturang kanilang sinuri. Ang mga pangunahing birtud na ito ay kinabibilangan ng karunungan/kaalaman, katapangan, pagiging makatao, hustisya, pagpipigil sa sarili, at pagiging dakila. Ang bawat isang ito ay kinabibilangan ng ilang sangay. Halimbawa, ang pagiging makatao ay kinabibilangan ng pag-ibig, kabutihan, at katalihunang panlipunan.

Sinubok ni Fons Trompenaars na may-akda ng Did the Pedestrian Die? ang mga miyembro ng iba't ibang kultura gamit ang iba't ibang Etikal na Dilema (tingnan sa ibaba). Ang isa sa mga Etikal na Dilemang ito ay kung ang nagmamaneho ng isang kotse ay papayag na ang kanyang kaibigan na pasahero rin ng parehong kotse ay magsinungaling upang maprotektahan ang nagmamanehong ito sa mga parusa ng pagmamaneho ng mabilis at pagsagasa sa isang taong naglalakad. Natuklasan ni Trompenaars na ang iba't ibang mga kultura ay may iba't ibang mga ekspektasyon na mula sa wala hanggang sa halos tiyak.

Etikal na Dilema

[baguhin | baguhin ang wikitext]

Ang etikal o moral na dilema ay isang komplikadong sitwasyon na sumasangkot sa maliwanag na salungatan ng isa o maraming mga aksiyon na moral. Ito ay nangangahulugan na ang pagpili ng isang moral na aksiyon ay magreresulta sa pagsalungat o pagsalangsang sa isa pang moral na aksiyon. Ang isang halimbawa ang pagliligtas sa buhay ng maraming tao sa pamamagitan ng pagsasakripisyo sa buhay ng isang tao.

Ebolusyon ng modernong moralidad

[baguhin | baguhin ang wikitext]

Ang pag-unlad ng modernong moralidad ay prosesong malapit na kaugnay ng sosyokultural na ebolusyon ng iba't ibang mga tao ng sangkatauhan. Ang mga biologo sa larangang ebolusyonaryo ng sosyobiolohiya ay naniniwalang ang moralidad ay produkto ng mga pwersang ebolusyonaryo na kumikilos sa lebel na pang-indibidwal gayundin sa lebel na pang-pangkat sa pamamagitan ng seleksiyon ng grupo. Ang ilan din sa mga sosyobiologong ito ay nagsasabing ang mga hanay ng pag-aasal na bumubuo sa moralidad ay nabuo dahil ang mga ito ay nagbigay ng benepisyo ng pagpapatuloy (survival) ng mga ito gayundin ng benepisyo ng pagpaparami. Ang mga tao ay bumuo ng mga emosyong "pabor sa lipunan" gaya ng pakiramdan ng empatiya (pag-unawa sa sitwasyon ng iba) o pagkakaroon responsibilidad sa maling nagawa bilang tugon sa mga pag-aasal na moral na ito.

Sa respetong ito, ang moralidad ay hindi absoluto (tama sa lahat ng panahon at konteksto) kundi relatibo (depende sa sitwasyon) at bumubuo ng mga pag-aasal na humihikayat ng pakikipagtulungan sa ibang tao batay sa kanilang ideolohiya (paniniwala) upang makamit ang pagkakaisa sa ideolohiya ng mga ito. Ayon sa mga biologo, ang lahat ng mga hayop na panlipunan o namumuhay sa mga pangkat gaya ng langgam at elepante ay nagbabago ng kanilang pag-aasal sa pamamagitan ng pagpipigil ng pagiging makasarili upang mapabuti ang ebolusyonaryong kaangkupan. Sa pananaw na ito, ang mga alituntuning moral ay nakasalig sa katutubong simbuyo ng damdamin at intwisyon na pinili sa nakaraan dahil ito ay nakatulong sa pagpatuloy at pagpaparami ng mga hayop na ito. Halimbawa, ang pagbubuklod ng isang ina sa anak ay napili dahil pinaigi nito ang pagpapatuloy ng mga anak. Ang epektong Westermarck na ang pagiging malapit sa simulang mga panahon ng isang sanggol ay nagbabawas ng mutwal (o parehong) na atraksiyong sekswal ay nagpapatibay ng taboo (pagiging bawal) laban sa insesto dahil binabawasan nito ang pagkakaroon ng mapanganib na pag-aasal gaya ng inbreeding o pakikipagtalik sa isang taong may kapareho o kaugnay na gene na maaaring magresulta sa mga depekto at sakit henetiko ng magiging mga anak nito.

Ang penomenon ng resiprosidad (pagtanaw ng utang na loob) sa kalikasan ay nakikita ng mga ebolusyonaryong biologo bilang isang paraan upang maunawaan ang moralidad ng tao. Ang tungkulin nito ay karaniwan pagsiguro ng maaasahang suplay ng mahahalagang mapagkuklunan lalo na sa mga hayop na namumuhay sa isang habitat kung saan ang bilang o kalidad ng pagkain ay hindi malalaman sa hinaharap dahil sa ito ay paiba iba. Halimbawa, ang mga bampirang paniki na ang tanging kinakain ay dugo ay sa ibang pagkakataon nabibigong makahanap ng makakaing madadagit (prey) samantalang sa ibang pagkakataon ay nakakaubos ng labis pang pagkain. Ang mga paniking kumain ng maigi ay muling sumusuka ng isang bahagi ng kanilang pagkaing dugo upang maligtas ang iba pang kasamang paniki sa kagutuman. Dahil sa ang mga hayop na ito ay namumuhay sa isang sobrang-magkakadikit na mga pangkat sa paglipas ng maraming mga taon, ang isang paniki ay makakaasa sa ibang miyembro ng pangkat na tumanaw ng utang na loob (magbigay ng pagkain) sa mga gabing ito'y nagugutom. Ayon kina Marc Bekoff at Jessica Pierce (2009), ang moralidad ay isang pangkat ng kakayahang pag-aasal na malamang ay pinagsasaluhan ng lahat ng mga mammal na namumuhay sa isang komplikadong panlipunan na grupo gaya ng mga lobo, coyote, elepante, dolphin, daga, chimpanzee etc. Kanilang inilalarawan ang moralidad bilang "pangkat ng magkakaugnay na pag-aasal ng pagsasaalang alang sa iba upang palaguin at kontrolin ang komplikadong mga interaksiyon sa loob ng mga pangkat na soyal". Ang mga pangkat na pag-aasal na ito ay kinabibilangan ng empatiya (pag-unawa sa sitwasyon ng iba), resiprosidad (pagtanaw ng utang na loob), altruismo (hindi makasariling pagsasalang-alang sa kapakanan ng iba), pakikipagtulungan at pag-unawa ng pagiging patas. Sa ibang kaugnay na akda, kahika-hikayat na naipakitang ang mga chimpanzee ay nagpapakita ng empatiya sa bawat isa sa malawak na uri ng mga konteksto. Ang mga chimpanzee ay may kakayahan ding lumahok sa pandaraya at isang lebel ng panlipunan na politika na isang prototipikal (sinaunang o orihinal na halimbawa) ng pagkahalig ng mga tao sa tsismis at pangangasiwa ng reputasyon.

Ayon kay Christopher Boehm, ang padagdag na pag-unlad ng kasalimuotan ng moralidad sa buong ebolusyon ng hominid ay dahil sa papalagong pangangailangan upang maiwasan ang mga alitan at pinsala sa paglipat sa isang bukas na savana at paglikha ng mga batong sandata. Ayon sa ibang mga teoriya, ang paglago ng kasalimuotan ng moralidad ay korelasyon (kaugnay) ng paglago ng sukat ng pangkat at sukat ng utak at sa partikular ay pagbuo ng teoriya ng kakayahan ng pag-iisip. Iminungkahi ng biologong si Richard Dawkins sa The God Delusion na ang moralidad ay resulta ng biolohikal na ebolusyonaryong kasaysayan at ang moral na zeitgeist ay nakakatulong sa paglalarawan kung paanong ang moralidad ay nagbago (evolve) mula sa biolohikal at kultural na mga pinagmulan at nagbabago sa paglipas ng panahon sa isang kultura.

Neurosiyensiya

[baguhin | baguhin ang wikitext]

Ang mga salamin na neuron ang neuron sa utak ay sumisiklab kung ang isang tao ay inoobserbahang gumagawa ng isang aksiyon. Ang mga neuron ay sumisiklab bilang paggawa sa aksiyong pinagmamasdan na nagsasanhi sa parehong mga muscle na magsagawa hanggang sa detalye ng nagmamasid kung paanong isinasagawa ng taong aktwal na nagsasagawa ng aksiyon. Ang pagsasaliksik sa mga salamin na neuron simula nang pagkakatuklas ng mga ito noong 1996 ay nagmungkahing ang mga ito ay papel na ginagampanan hindi lamang sa pag-unawa ng aksiyon kundi pati sa emosyon na pinagsasaluhang empatiya. Ang kognitibong neurosiyentistang si Jean Decety ay naniniwalang ang kakayahan na makilala at kahaliling maramdaman ng isang tao ang ginagawa ng ibang tao ay isang mahalagang hakbang sa ebolusyon ng pag-aasal na panlipunan at sa pinakahuli ay ng moralidad. Ang kawalang kakayahan ng makaranas ng empatiya (pag-unawa sa sitwasyon ng ibang tao) ang isa sa paglalarawang katangian ng sikopatiya (pag-aasal na antisosyal) at ito ay nagpapakita ng suporta pananaw ni Decety.

Ang hayagang paggawa ng moral na tama at maling pagpapasiya ay sumasabay sa aktibasyon ng ventromedial prefrontal cortex sa utak samantalang ang intwitibong reaksiyon sa mga sitwaysong naglalaman ng hindi hayagang mga isyung moral ay sumasabay sa aktibasyon ng temporoparietal junction area. Ang stimulasyon ng ventromedial prefrontal cortex sa pamamagitan ng transcranial magnetic stimulation ay nagpapakitang nagpapabago ng moral na pagpapasiya o hatol ng mga taong pinag-aaralan.

Sa modernong moral na sikolohiya, ang moralidad ay itinuturing na nagbabago sa kabuuan ng personal na paglago ng isang indibidwal. Ang ilang mga sikolohista ay bumuo ng mga teoriya sa pagbuo ng mga moral na karaniwang dumadaan sa mga yugto ng iba't ibang moral. Sina Lawrence Kohlberg, Jean Piaget, at Elliot Turiel ay may kognitibo-debelopmental na mga paraan sa moral na pag-unlad. Para sa mga teoristang ito, ang moralidad ay nabubuo sa sunod sunod na konstruktibong mga yugto at sakop. Ang panlipunan na sikolohistang gaya nina Martin Hoffman at Jonathan Haidt ay nagbibigay diin sa panlipunan at emosyonal na paglago batay sa biolohiya gaya ng empatiya. Ang moral na identidad na teorista gaya nina William Damon at Mordechai Nisan ay nakikitang ang pagsunod sa moral ay umaahon mula sa pagbuo ng sariling-pagkakakilanlan na inilalarawan ng mga layuning moral. Ang moral na sariling-pagkakakilanlang ito ay nagdudulot ng damdamin ng responsibilidad na pursigihin ang mga layuning ito. Ang isang interesanteng panghistorikal sa sikolohiya ang mga teoriya ng sikoanalistang si Sigmund Freud na niniwalang ang pagunlad na moral sa isang indibidwal ay produkto ng mga aspeto ng napakalaking-ego at pag-iwas sa pakiramdam ng pagkakasala-kahihiyan.

Tableta ni haring Ur-Nammu ng Sumeria. Ang Kodigo ni Ur-Nammu na nilikha noong 2100 BCE-2050 BCE ang pinakamatandang tableta na naglalaman ng batas kodigo ng tao na umiiral sa kasalukuyan. Ang mga batas na nakasulat dito ay nakaayos sa anyong casuistry na kung- (krimen), kung gayon- (parusa) na pinamarisan ng mga kalaunang nilikhang mga kodigo ng tao. Ito ay itinuturing na kahanga hangang napakaunlad na batas ng tao dahil ito ay naglalagay ng mga multang salaping kabayaran para sa pinsalang pangkatawan kesa sa kalaunang prinsipyong lex talionis (mata sa mata) na matatagpuan sa mga kalaunang kodigong batas ng Babylonia na Kodigo ni Hammurabi (1780 BCE) gayon din sa Bibliya (ca. 900–500 BCE). Gayunpaman, sa kodigong ito, ang pagpatay, pagnakakaw, pangangalunya at panghahalay ay mga kapital na kasalanan na may parusang kamatayan.
Ang Kodigo ni Hammurabi ay nilikha pagkatapos ng 300 taon ng Kodigo ni Ur-Nammu.

Kung ang moralidad ang sagot sa tanong na "kung paano tayo dapat mamuhay" sa indibidwal na lebel, ang politika ay nakikitang sumasagot sa parehong tanong sa panlipunang lebel kaya hindi kataka taka na ang ebidensiya ay natuklasan sa relasyon sa pagitan ng mga saloobin (attitudes) sa moralidad at politika. Ayon sa pag-aaral nina Jonathan Haidt at Jesse Graham sa pagkakaiba ng mga konserbatibo at mga liberal, ang mga Amerikanong mga pampolitika na liberal ay may kagawiang magpahalaga sa pangangalaga at pagiging patas o pantay pantay kesa sa katapatan, respeto at puridad. Sa kabilang dako, para sa mga Amerikanong pampolitika na konserbatibo, kaunting pagpapahalaga ang ibinibigay nito sa pangangalaga ng iba at pagiging pantay pantay kesa sa pagiging matapat, respeto at puridad. Ang parehong grupong ito ay nagbibigay ng pinakamataas na timbang sa pangangalaga ngunit para sa mga konserbatibo, ang pinakamababang timbang ay ibinibigay sa pagkapantay pantay samantalang para sa mga liberal, ang pinakamababang timbang ay ibinibigay sa puridad. Ayon din kay Haist, ang pinagmulan ng dibisyong ito sa Estados Unidos ay matutukoy sa mga paktor na geohistorikal kung saan ang konserbatismo ay pinakamalakas sa mga komunidad na sobrang magkakalapit at magkakaugnay na lahi. Sa kabaligtranan, ang liberalismo ay kailangan sa mga puertong siyudad kung saan ang paghahalong kultural ay mas marami.

Ang moralidad ng isang pangkat ay nabuo mula sa pinagsasaluhang mga konsepto at paniniwala at malimit ay isinasabatas upang kontrolin ang pag-aasal sa loob ng isang kultura (bansa) o komunidad. Ang iba't ibang itinuring na mga aksiyon ay tinatawag na moral at imoral. Ang mga indibidwal na pumipili ng aksiyong moral ay sinasabing nag-aangkin ng "hiblang moral" samantalang ang mga nagsasagawa ng mga imoral na aksiyon ay tiantawag na "panlipunan na mababang uri". Ang patuloy na pag-iral ng isang pangkat ay nakasalalay sa pag-ayon sa mga batas ng moralidad. Ang hindi kakayahang umangkop sa mga batas ng moralidad bilang tugon sa mga bagong hamon ay minsang sinisisi sa paglaho ng isang komunidad. Ang isang positibong halimbawa nito ang tungkulin ng repormang Cistercian sa pagbuhay muli ng monastisismo. Ang isang negatibong halimbawa ang papel ni Imperatris ng Dowager sa pananakop ng Tsina para sa mga interes ng Europa. Sa loob ng mga kilusang nasyonalista, merong kagawian na makaramdam na ang isang bansa ay hindi makakapagpatuloy o lalago kung hindi kikilalanin ang isang pangkalahatang moralidad. Ang pampolitika na moralidad ay mahalaga rin sa pag-aasal ng pambansang gobyerno sa pakikipag-ugnayang internasyonal at sa suportang natatanggap nito sa mga mamamayan nito. Ayon kay Noam Chomsky:

“ ...kung ating tatanggapin ang prinsipyo ng unibersalidad: kung ang aksiyon ay tama (o mali) para sa iba, ito ay tama (o mali) para sa atin. Ang mga hindi umaahon sa pinakamaliit na lebel ng moralidad ng paglalapat sa mga sarili nito sa pamantayang nilalapat nilang mahigpit sa iba ay hindi maaaring seryosohin kung nagsasalita ang mga ito ng pagiging angkop ng tugon; o ng tama o mali, ng mabuti at masama.
“ Ang katunayan, ang isa o pinaka pangunahing prinsipyo ng moralida ang unibersalidad na ang ibig sabhini ay kung tama sa akin ay tama sa iyo; kung mali sa iyo ay mali sa akin. Anumang batas ng moralidad na karapat dapat tignan ay mayrooon nito sa pinakaloob nito kahit papaano.

Etikal na Dilema

[baguhin | baguhin ang wikitext]

Ang etikal o moral na dilema ay isang komplikadong sitwasyon na sumasangkot sa maliwanag na salungatan ng isa o maraming mga aksiyon na moral. Ito ay nangangahulugan na ang pagpili ng isang moral na aksiyon ay magreresulta sa pagsalungat o pagsalangsang sa isa pang moral na aksiyon. Ang isang halimbawa ang pagliligtas sa buhay ng maraming tao sa pamamagitan ng pagsasakripisyo sa buhay ng isang tao.

Ang Luma at Bagong Tipan ay naglalaman ng magkaibang mga kautusan at katuruan. Ayon sa Tanakh (Lumang Tipan), ang mga moral na kautusan (na tinatawag na Torah o Pentateuch) na ibinigay kay Moises ang batayan ng moralidad na dapat sundin ng Israel. Ang mga kautusang ito sa Torah ay para lamang sa Israelita dahil ayon sa tradisyon ng mga Hudyo, ang mga "hentil" (Hindi Israelita/Hudyo) ay tinatakdaan ng ibang batas na moral na tinatawag na "Batas Noachide". Halimbawa ayon sa Torah, ang pagpatay at pagnanakaw sa pag-aari ay bawal gawin sa kapwa Israelita ngunit ipinag-utos ni Yahweh ang pagpatay (genocide) ng mga Israelita sa mga kalabang lahi (1 Samuel 15:3, Deut 20:16, Deut 7:2) at pananakop at pagnanakaw sa mga ari-arian nito. Para sa sekta ng modernong Hudaismo na Rabinikong Hudaismo, bukod sa Torah, ang mga "oral na batas" na mga legal na desisyon ng Sanhedrin (hukom) at isinabatas sa Talmud at mga kalaunang akda gaya ng Mishna ay itinuturing at ginagamit ring autoratibo. Sa kabaligtaran, ang sektang Hudaismong Karaite ay hindi tumatanggap sa Talmud at Mishna kundi ang Torah lamang. Ayon sa Bagong Tipan ng Bibliya, ang Lumang Tipan ay napawalang bisa na at sa gayon ay hindi na dapat sundin ang mga kautusan sa Torah (Gal 2:16, Col 2:13–14, 2 Cor 3:16–17, Heb 7:12, Gawa 13:39 at iba pa). Ang Bagong Tipan ay itinatakwil ng mga Hudyo.

Confucianismo

[baguhin | baguhin ang wikitext]

Relihiyon at krimen

[baguhin | baguhin ang wikitext]

Ang ilang mga pag-aaral ay nagpapakita na ang mas mababang mga lebel ng pagiging relihiyoso sa isang lipunan ay nauugnay sa mas mababang mga rate ng krimen lalo na ang mga marahas na krimen. Ayon sa 2008 aklat ni Phil Zuckerman na Society without God, ang Denmark at Sweden "na malamang na pinakahindi relihiyosong mga bansa sa mundo at posibleng sa buong kasaysayan ng mundo ay may pinakamababang mga rate ng mga marahas na krimen at ang pinakamababang mga lebel ng korupsiyon sa buong mundo".[4][a] Ang 2005 pag-aaral ni Gregory Paul ay nagsaad na "Sa pangkalahatan, ang mas mataas na rate ng paniniwala sa isang manlilikha ay nauugnay sa mas mataas na mga rate ng homisidyo (pagpatay), mortalidad ng bata at simulang matanda, rate ng impeksiyon ng STD, pagkabuntis ng mga tinedyer at aborsiyon sa mga masaganang demokrasiyang bansa". Isinaad rin dito na "sa lahat ng mga sekular na umuunlad na bansa, ang mga tumagal na mga siglong trend ay nakakita ng mga rate ng homisidyo sa mga mababang historikal maliban sa Estados Unidos at Portugal.[5][b] Noong 26 Abril 2012 ang resulta ng isang pag-aaral ay nagsasaad na ang mga hindi relihiyosong tao ay may mas mataas na mga score ng mga sentimentong pro-panlipunan na pagpapakita na ang mga ito ay mas malamang na maging mapagbigay sa mga walang pinipiling akto ng kabutihan gaya ng pagpapahiram ng mga pag-aari nito at pag-aalay ng isang upuan sa isang punong bus o tren. Ang mga taong relihiyoso ay may mas mababang mga score pagdating sa kung gaanong pagkahabag ang nagtulak sa mga ito na maging matulungin sa ibang mga paraan gaya ng pagbibigay ng salapi o pagkain sa isang walang tirahang tao o sa mga hindi mananampalataya sa diyos.[6][7] Sa isang meta analisis ng mga pag-aaral sa relihiyon at krimen, isinaad na "ang mga pag-aasal na relihyoso at paniniwala ay nagdudulot ng katamtamang pagpipigil na epekto sa pag-aasal na kriminal ng mga indibidwal".[8]

Kritisismo ng moralidad ng relihiyon

[baguhin | baguhin ang wikitext]

Sekular na moralidad

[baguhin | baguhin ang wikitext]

Ang sekular na etika ang sangay ng moral na pilosopiya kung saan ang etika ay batay lamang sa mga kakayahan ng tao gaya ng lohika, pangangatwiran at moral na intwisyon at hindi hango sa sinasabing mga pahayag na mula sa diyos. Ang sekular na etika ay maaaring makita bilang malawak na iba't ibang moral at etikal na sistema na mabigat na kumukuha mula sa sekular na humanismo, sekularismo at malayang pag-iisip.

Mga sanggunian

[baguhin | baguhin ang wikitext]
  1. Blake, Matthew (2008). "Morality". Tagalog English Dictionary-English Tagalog Dictionary. Bansa.org.{{cite ensiklopedya}}: CS1 maint: date auto-translated (link), nasa Morality Naka-arkibo 2016-03-06 sa Wayback Machine..
  2. 2.0 2.1 Gaboy, Luciano L. Morality, moralidad; immorality, imoralidad - Gabby's Dictionary: Praktikal na Talahuluganang Ingles-Filipino ni Gabby/Gabby's Practical English-Filipino Dictionary, GabbyDictionary.com.
  3. 3.0 3.1 "Moral, morality". Hammond Quick & Easy Notebook Reference Atlas & Webster Dictionary. Hammond, ISBN 0843709227., pahina 74.
  4. Zuckerman, Phil (2008). Society Without God: What the Least Religious Nations Can Tell Us about Contentment. New York: New York University Press. p. 2. ISBN 978-0-8147-9714-3.{{cite book}}: CS1 maint: date auto-translated (link) Zuckerman's work is based on his studies conducted during a 14-month period in Scandinavia in 2005–2006.
  5. Paul, Gregory S. (2005). "Cross-National Correlations of Quantifiable Societal Health with Popular Religiosity and Secularism in the Prosperous Democracies: A First Look". Journal of Religion and Society. Baltimore, Maryland. 7: 4, 5, 8, and 10. Inarkibo mula sa orihinal noong 2011-12-14. Nakuha noong 2012-11-06.{{cite journal}}: CS1 maint: date auto-translated (link) Naka-arkibo 2011-12-14 sa Wayback Machine.
  6. Highly Religious People Are Less Motivated by Compassion Than Are Non-Believers by Science Daily
  7. Laura R. Saslow, Robb Willer, Matthew Feinberg, Paul K. Piff, Katharine Clark, Dacher Keltner and Sarina R. Saturn My Brother’s Keeper? Compassion Predicts Generosity More Among Less Religious Individuals Naka-arkibo 2020-12-23 sa Wayback Machine.
  8. Baier, C. J.,& Wright, B. R. (2001). "If you love me, keep my commandments":A meta-analysis of the effect of religion on crime. Journal of Research in Crime and Delinquency,38,3–21.