[go: up one dir, main page]

Pumunta sa nilalaman

Walang hanggang mosyon

Mula sa Wikipedia, ang malayang ensiklopedya

Ang walang hanggang mosyon ay paggalaw na nagpapatuloy nang walang hangganan kahit na walang panlabasang pinagmumulan ng enerhiya. Ito ay imposibleng makamit dahil sa pingkian at iba’t ibang panggagalingan ng pagkaubos ng enerhiya. Ang makina ng walang hanggang mosyon ay isang imahinaryong makinang kayang makagawa ng puwersa nang walang hangganan kahit na walang panlabas na pinagkukunan ng enerhiya. Ang ganitong uri ng makina ay imposible, dahil nilalabag nito ang una o ang pangalawang batas ng thermodynamics.

Ang mga batas ng thermodynamics ay umaabot maging sa pinakamalawak na antas: halimbawa, ang paggalaw o pag-ikot ng mga bagay sa kalawakan ay maaring magmukhang walang hanggan, ngunit ang mga ito’y naapektuhan ng maraming puwersa gaya ng mga hanging solar, interstellar medium resistance, grabitasyon, thermal radiation, at electro-magnetic radiation, at sa huli’y magtatapos rin.

Sa gayon, ang mga makinang kumukuha ng enerhiya mula sa mga tila walang hanggang panggagalingan ay hindi tatakbo nang walang hanggan, dahil ang mga ito ay pinapaandar ng enerhiyang nakaimbak sa pinanggagalingan din, at ito’y mauubos sa huli. Ang isang karaniwang halimbawa ay mga aparatong pinapatakbo ng agos ng karagatan, na ang enerhiya’y nanggagaling sa araw, na siya nama’y mauubos din. Mga makinang pinapaandar ng mga mas kakaibang pinagkukunan ay naimungkahi na ngunit ang mga ito’y nasasaklaw sa parehong di-maiiwasang batas, at sa kalaunan ay hihinto rin.