[go: up one dir, main page]

Pumunta sa nilalaman

Banal na Mag-anak

Mula sa Wikipedia, ang malayang ensiklopedya
Banal na Mag-anak ni Claudio Coello

Ang Banal na Mag-anak o Banal na Pamilya (Espanyol: Sagrada Familia) ang ibinansag sa pamilya ni Hesus kasama ng kaniyang inang si Maria at kaniyang ama-amahang si Jose.[1] Ipinagdiriwang ang kapistahan ng Banal na Mag-anak tuwing Linggo sa loob ng Oktaba ng Pasko ng Pagsilang o sa pagitan ng Disyembre 25 at Enero 1, o tuwing Disyembre 30 kung walang Linggo sa pagitan ng dalawang araw na ito.

Kakaunti lamang ang tumutukoy sa Kaninokong Ebanghelyo patungkol sa Banal na Mag-anak. Nariyan ang kapanganakan ni Hesus,[2][3] ang kanilang pagtakas papuntang Ehipto[4] at ang pagkatagpo kay Hesus sa templo.[5] Maliban dito ang iba pang naisulat tungkol sa Banal na Mag-anak ay nilalaman na ng mga di-kanonikong mga kasulatan gaya ng Ebanghelyo ni Tomas.[1]

Ang debosyon sa Banal na Pamilya ay nagsimula lamang noong ika-17 siglo kung kailan maraming kongregasyon ang itinatag sa ngalan nito. Nauna sa mga ito ang Kapatiran ng Banal na Mag-anak (French: Confrérie de la Sainte-Famille) sa Canada na itinatag ni Barbe d'Ailleboust sa tulong ng Heswitang paring si Joseph Marie Chaumonot noong 1663. Kumalat sa Canada ang debosyon sa Banal na Mag-anak. Noong 1675, naimbitahan si d'Ailleboust sa Quebec ng noo'y si Monsignor François de Laval upang ibigay sa kaniya ang pangangasiwa ng kapatiran. Nang maging obispo ng Diyosesis ng Quebec si de Laval, pinasinayaan niya ang kapistahan ng Banal na Mag-anak.

Itinakda ni Papa Leo XIII noong 1892[6] ang kapistahan ng Banal na Mag-anak tuwing Linggo matapos ang Pista ng Tatlong Hari o tuwing Linggo sa pagitan ng Enero 7 hanggang Enero 13. Noong 16 Oktubre 1921 isinama ng Sagradong Kongregasyon ng mga Rito (sa ilalim ni Papa Benedicto XV) ang kapistahan sa heneral na kalendaryo ng Ritong Latin. Nanatili ang paggunita nito sa naturang petsa hanggang 1969, nang ito'y ilipat sa Linggo matapos ang Pasko, o Disyembre 30 kapag ang Linggong ito'y natapat sa Enero 1 na kapistahan naman ni Maria Bilang Ina ng Diyos.

Mga sanggunian

[baguhin | baguhin ang wikitext]
  1. 1.0 1.1 Bennett, David. "The Solemnity of the Holy Family." ChurchYear.Net, 2011-11-04.[1] Naka-arkibo 2011-05-14 sa Wayback Machine. (Inaccess noong 2011-05-28). (sa Ingles)
  2. Mateo 1:18-25.
  3. Lucas 2:1-7.
  4. Mateo 2:13-23.
  5. Lucas 2:42-51.
  6. New Advent. "Pope Leo XIII." 2011-11-04.[2] (Inaccess noong 2011-05-28). (sa Ingles)