[go: up one dir, main page]

Pumunta sa nilalaman

Prostetik

Mula sa Wikipedia, ang malayang ensiklopedya
Pagbabago noong 04:55, 23 Hulyo 2024 ni GinawaSaHapon (usapan | ambag)
(iba) ←Lumang pagbabago | Kasalukuyang pagbabago (iba) | Mas bagong pagbabago→ (iba)
Isang artipisyal na brasong may kamay na nakakabit sa katawan ng isang sundalo. Nakaugnay ito sa mga masel na balikat kaya't napapagalaw sa pamamagitan ng elektronika.

Prostetik ang tawag sa artipisyal na panlabas na bahagi ng katawan ng tao, tulad ng braso, hita, binti, kamay, o paa, na ginagamit ng mga taong naputulan nito o ipinanganak na'ng ganito. Ikinakabit ito sa katawan ng tao upang matulungan silang makapamuhay at makagawa ng mga pangkaraniwang bagay-bagay at gawain. Dating yari lamang sila mula sa kahoy o metal, subalit mayroon na rin sa kasalukuyan ng mga gawa buhat sa mas magagaan na mga materyales.

Isa si Ambroise Paré, isang Pranses na siruhano, sa mga unang gumawa ng mga prostetik. Kabilang sa mga inimbento niya ang isang brasong kayang itikom ang siko, at isang pekeng kamay na may napapagalaw na mga daliri.[1]

Mga katangian

[baguhin | baguhin ang wikitext]

Kabilang sa mga katangiang tinataglay ng mga prostetik ang pagiging matibay, magaan, maginhawang gamitin, at maayos ang mekanikal na kayarian. Nararapat na mas mabigat ang bahaging malapit sa puno ng katawan upang makapagpanatili ng paninimbang ang taong pinagkakabitan nito. Dapat ring tama ang pagkakalapat at hindi nababaklas ang mga hugpungan at naikakandadong mga bahagi, ngunit naikikilos nang walang pagsablay. Hindi rin dapat nakaiipit sa dibdib at nakakagambala sa paghinga ng nagsusuot ang mga panali, tukod, pangkabit, o pangsuporta. Kailangan din ang payo ng siruhano upang malaman ang pinakamainam na uri ng prostetik. Kailangan din ang tulong ng bihasang tagagawa ng mga ito kaugnay ng pagkuha ng tamang mga sukat.[2]

May iba't ibang uri ng prostetik na may kanya-kanyang kaangkupan sa gawain ng isang tao. Isang halimbawa ang pagkakaroon ng prostetik na may kalawit bilang pamalit sa nawalang bisig at kamay, na ikinakabit na higit na malapit sa dulo ng napungos na bahagi ng katawan. May mga uring naikakabit din upang magamit sa tuwing kakain, magsusulat at iba pang magagaang na mga trabaho. Sa Inglatera, dating mas minamabuti ang paggamit ng isang tarugo (ang peg leg), isang talasok na napagpapasakan ng pungos ng hita o binti, at may matulis na dulo. Mas maginhawang gamitin ang ganitong kahoy na paang may talasok, kaysa buong artipisyal na paa, sa mga pook na pamalagiang mamasamasa ang lupa. Madaling nakakasira sa isang buong paang artipisyal ang kapaligirang palaging basa. Bagaman ganito, hindi kaakit-akit sa paningin ang isang paang tarugo. Kaugnay ng mga panghita o pampaang artipisyal na sanga, mas mainam ang mga uri na may madulas na suksukan o saksakan (may slip-socket) upang maiwasan ang pagkakaroon ng gasgas ng dulo ng laman ng pungos ng tao.[2]

Pagsusuot at paggamit

[baguhin | baguhin ang wikitext]

Pagkaraan ng pagkakaputol ng apektadong sanga ng katawan, mainam ang mas maagang pagsusuot at paggamit ng naaangkop na prostetik. Kailangan ito upang mapadali ang tamang paghubog sa hugis ng sungot o pungos ng nalalabing bahagi ng sanga ng katawan. Pati na rin sa pagpapanumbalik ng buto at tono ng mga masel na magpapagalaw sa hindi tunay na sanga ng katawan. At para na rin makasanayan ng pasyente ang ipinalit na pekeng bahagi ng katawan.[2]

Pagpapanatili at paglilinis

[baguhin | baguhin ang wikitext]

Nilalangisan ang mga hugpungan ng huwat na sangang pangkatawan upang mapanatili ang paggalaw at kalinisan ng mga ito. Malimit ding hinuhugasan ang bahagi ng kasangkapang ito na tumatanggap sa pungos ng naputol na bahagi ng hita o bisig, sa pamamagitan ng tubig na may lisol o sanitas. Pagkahugas, pinatutuyo ito ng malambot na basahan. Pinapahiran naman ng naaangkop na mga panlinis o pampakintab ang iba pang mga kabahaging metal at katad.[2]

Mga sanggunian

[baguhin | baguhin ang wikitext]
  1. Firth, Lesley (Patnugot Panlahat) atbp. (1985). "Who Made the First Artificial Limbs?". Who Were They? The Simon & Schuster Color Illustrated Question & Answer Book. Little Simon Book, Simon & Schuster, Inc., Lungsod ng Bagong York, ISBN 0671604767.{{cite ensiklopedya}}: CS1 maint: date auto-translated (link), pahina 100.
  2. 2.0 2.1 2.2 2.3 Robinson, Victor, pat. (1939). "Artificial limb". The Modern Home Physician, A New Encyclopedia of Medical Knowledge. WM. H. Wise & Company (New York).{{cite ensiklopedya}}: CS1 maint: date auto-translated (link), pahina 53.