[go: up one dir, main page]

Pumunta sa nilalaman

Hwang Jini

Mula sa Wikipedia, ang malayang ensiklopedya
Tungkol kay Hwang Jini ito na isang gisaeng.
Para sa pelikula, tingan Hwang Jin Yi (pelikula).
Para sa seryeng pantelebisyon, tingnan Hwang Jini (palabas sa telebisyon).

Si Hwang Jin-i (Hangul: 황진이, Hanja: 黃眞伊, Iba pang baybay: Hwang Jini, Hwang Chini, Hwang Jin Yi, Hwang Chin Yi, 1506(?) - 1560(?)), na kilala rin sa kanyang ngalang gisaeng na Myeongwol (Hangul: 명월, Hanja: 明月, McCune-Reischauer: Myongwol, Tagalog: Maliwanag na Buwan) ay ang pinakakilalang mala-alamat na gisaeng noong panahon ng Joseon ('di hihigit/kukulang 1506?-1560) sa pamumuno ni Haring Jungjong. Siya ay sadyang nakilala dahil sa kaniyang di-mapantayang kagandahan, kasiya-siyang karisma, at sa pambihirang katalinuhan. Ang kanyang personal na buhay ay nagbigay-inspirasyon sa mga pelikula, mga serye sa telebisyon, mga opera, at maraming nobela. Siya ang modernong ikonong pangkultura ng Korea.

Bagama't hindi pa masyadong malinaw ang tungkol sa kanyang kabataan (ni ang mga eksaktong petsa ng kanyang kapanganakan at kamatayan), sinasabi sa talaan na siya ay anak ng isang aristokrato sa Gaeseong; ang kaalaman tungkol sa kanyang ina ay nagiiba-iba, ngunit marami ang nagsabing siya ay anak ng isang bulag na gisaeng na nag-ngangalang Jin Hyeon-geum (Hangul: 진현금, Hanja: 陳玄琴), na kilala sa kakayahan niya sa pagtugtog ng gayageum.

Sa batas, naging gisaeng si Hwang Jin-i dahil anak siya ng isang gisaeng. Siya ay sumailalim sa tipikal na edukasyong pang-gisaeng. Kasama rin ang pag-aaral ng Araling Tsino, batas, pilosopiya, at kasaysayan. Naging masinsinan ang kanyang pag-aaral sa sining. Ayon sa talaan, napakapambihirang tunay ang kanyang talento sa pagtugtog ng geomungo at sa paglikha ng sijo, habang naging prodihiya sa pagsayaw.

Bagama't mangilan-ngilang piyesa na lang ng sijo at geomungo ang nabubuhay ngayon, ipinapakita, sa makatuwid, ang maayos na pagkakabuo sa mga salita at ng kaayusang pang-tugtugin. Ang kanyang sijo ay kadalasang ipinapakita ang kagandahan ng Gaeseong at ang mga kilalang lugar doon, gaya ng Palasyo ng Manwoldae at ang Talon ng Bagyeon Pokpo. Sabi ng iba, tungkol ang mga iyon sa mga nasawing pag-ibig. Ang iba naman ay ang mga tugon sa ilang kilalang Klasikong Pangtulang Tsino at literatura, at karamihan nito ay sinasalamin ang pumanaw na pagsinta. Dalawa sa kanyang mga pinaka-kilalang sijo ay ang mga:

"동짓달 기나긴 밤을... (DONGJI(Ť)DAL GINAGIN BAMUL)"
동짓달 기나긴 밤을 한 허리를 버혀 내어 (dong-ji(ť)-dal gi-na-gin ba(m)-eul han heo-ri-reul beo-hyeo nae-geo)
춘풍 니불 아래 서리서리 넣었다가 (chun-p'oong ni-bool a-rae seo-ri-seo-ri neo(h)-eo(ť)-da-ga)
어론님 오신 날 밤이어든 굽이굽이 펴리라 (eo-ron-nim o-shin nal ba(m)-i-eo-deun gu(b)-i-gu(b)-i p'yeo-ri-ra)
Aba, na maaari kong mahuli ang diwa nitong malalim na gabi sa kalagitnaan ng taglamig
At dahan-dahang itiklop sa kalutangan ng balahibo ng buwan ng tagsibol,
Saka walang alinlangang ibuklat muli sa gabing babalik muli ang aking irog.
"청산리 벽계수(靑山裏 碧溪水)야... (CHEONGSANRI BYEOK-KYE-SOO YA)"
청산리 벽계수(靑山裏 碧溪水)야 수이 감을 자랑 마라. (cheong-san-ri byeok-kye-soo-ya soo-i ga(m)-eul ja-rang ma-ra)
일도창해(一到滄海)하면 다시 오기 어려워라. (il-do-chang-hae ha-myeon da-shi o-gi eo-ryeo-wo-ra)
명월(明月)이 만공산(滿空山)할 제 쉬어간들 어떠리. (myeong-wol-i man-gong-san-hal je swi-eo-gan-duel eo-ddeo-ri)
Kagalang-galang na Byeok Kye Soo, huwag sanang ipagmalaki ang maagang paglisan.
Kapag ikaw ay naglayag na sa karagatan, sadyang magiging mahirap na bumalik.
Ang bilog na buwan sa taas ng bundok na kawalan, mangyari nawang manatili rito upang mamahinga.

Kawing panlabas

[baguhin | baguhin ang wikitext]